Nitong mga nakaraang araw, panay ang nood namin ng mga news program upang saksihan ang mga kaganapan sa pagkamatay, burol at paglilibing sa ating mahal na Presidente Cory. Maraming mga indibidwal ang aking napanood sa telebisyon na nagpa-interview at nagbahagi ng kanilang mga eksperyensiya noong nabubuhay pa sya. Maging ang inyong lingkod ay may isang simpleng pagkakataon din na nakaharap ng malapitan si Tita Cory.
Araw ng miyerkules noon at ako ay dumalo sa novena mass sa Greenbelt Chapel. Sa hindi inaasahang pagkakataon, kasalukuyan din palang naroroon si Tita Cory. Sa kabuuan ng misa ay ilang beses ko yatang sinadya na sulyapan sya habang nakaupo sa kabilang bahagi ng simbahan mula sa aking kinalalagyan. Hindi ko nga yata masyado naintindihan ang homilya sa misa ng araw na iyon.
Hindi pa dyan nagtatapos ang kwento ko. Pagkatapos ng misa ay nag-lunch muna ako sa Greenbelt. Suwerte nga yata ako noong araw na yun. Pagkatapos ng lunch ay naglakad na ako pabalik sa aking opisina sa Makati. Sa pagbalik doon, ang pinaka-konbeniyente kong dadaanan ay ang elevated walkway sa may De la Rosa. Nang nasa bahagi na ako ng PLDT area, nakita ko na lang ang sarili ko na naglalakad kasabay ang isang babaeng nakasuot ng dilaw. May kasama syang isang babae at isang lalaking bodyguard yata. Kaming apat lang ang naglalakad ng mga oras na iyon.
Para akong na-starstruck! Hindi dahil nakakita ako ng artista, ngunit dahil parang nakakita ako ng santa. Maputi, naka-sandalyas na itim at malumanay maglakad. Naisip ko, ang nakita ko yata ay mga katangian na parang tulad sa isang madre. Si Tita Cory nga! At kasabay kong naglalakad! Gusto ko syang kamayan ng mga oras na iyon ngunit naunahan ako ng takot dahil baka sunggaban ako ng bodyguard. Ang tangi kong nagawa ay lingonin sya, ngumiti, at tumango upang magbigay pugay. Pagkatapos nun ay binilisan ko ang aking lakad upang mauna na.
Yan lang ang aking simpleng “close encounter” kay Tita Cory. Ang ilaw ng ating bayan. Ang dilaw na ilaw.
